Pormal nang sinimulan ang San Isidro Creek Rehabilitation Project sa pamamagitan ng isang Ceremonial Mangrove Planting noong Hunyo 11, 2025 sa Purok Cabadiangan, Barangay San Isidro, Tagum City, Davao del Norte.

Ang proyektong ito ay pinondohan ng St. Peter Caskets Manufacturing (Mindanao), Inc. sa halagang mahigit P4 milyon halaga bilang bahagi ng kanilang adbokasiya sa pangangalaga ng kapaligiran.

Ang proyekto ay kabahagi ng programa ni Mayor Rey T. Uy na Reyver Alive: Balik Sigla sa Ilog at Dagat (BSID), na layuning muling buhayin at panatilihin ang kalinisan at sigla ng mga ilog at karagatang bahagi ng Tagum City.

Bilang panimulang aktibidad, 250 punla ng Rhizophora apiculata o Bakawan lalaki ang itinanim.

Ayon kay Emiliano Dakingking Jr., Division Head ng CAGRO-ARMAD, ang Bakauan lalaki ay isa sa mga pinakaangkop na species ng mangrove dahil mabilis itong tumubo at mahusay na tirahan ng mga lamang-dagat.

Bukod sa pagtatanim, bahagi rin ng proyekto ang pagtatayo ng isang mangrove nursery na susuporta sa reforestation efforts para sa buong 57 ektaryang mangrove area na sakop ng St. Peter Green Program.

Ang proyektong ito ay patunay na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor, posible ang pangmatagalang solusyon sa problema ng climate change at pagkasira ng likas na yaman.

Nagbubukas rin ito ng mga oportunidad para sa kabuhayan ng mga residente, partikular sa larangan ng pangisdaan at eco-tourism.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *