Sa pagdiriwang ng T’nalak Festival, ipinagmamalaki ng Lungsod ng Koronadal ang kanilang pambato sa Bahay Kubo Competition — isang makabagong interpretasyon ng tradisyunal na bahay kubo na pinagsama ang kultura, sining, at makabagong arkitektura.

Ang bahay kubo ay itatampok sa kahabaan ng Alunan Avenue, at inaasahang magiging sentro ng atensyon ng mga bisita at turista sa lungsod.

Ang disenyo nito ay slanted at may regular lines, habang ang bubong ay gawa sa tensile roofing na yari sa kawayan at cogon, may hugis bituin na bumubuo ng korona — isang malikhaing simbolismo ng pangalan ng Koronadal, na hango sa salitang “korona.”

Ayon kay Architect Marvin V. Alegria, ang konsepto ng kubo ay kumakatawan sa masigla at umuunlad na ekonomiya ng lungsod.

Ang sahig ng bahay kubo ay may hugis pentagono, na sumasalamin sa limang pangunahing produktong agrikultural ng Koronadal: palay, mais, saging, niyog, at gulay.

“Ang uniqueness ng bahay kubo na ito ay hindi ito ang karaniwang may poste at tuwid na linya…

Ito ay may limang sulok dahil kumakatawan ito sa limang pangunahing produkto,” ayon kay Arch. Alegria.

Bukod sa arkitekturang kakaiba, tampok sa kubo ang isang cascading water feature, na kumakatawan sa isinasagawang flood control at rehabilitasyon ng Blok Creek, isang mahalagang inisyatiba para sa kalikasan at kapaligiran ng lungsod.

Ang mga pattern ng ilaw na ginamit sa bahay kubo ay inspirado sa T’nalak weaving — isang katutubong sining ng mga T’boli na itinuturing na sagisag ng kultura ng South Cotabato.

Ang makukulay na dekorasyon ay nagbibigay-pugay naman sa Hinugyaw Festival, ang taunang selebrasyon tuwing Enero 10 na nagpapakita ng pagkakakilanlan at kasaysayan ng Koronadaleño.

Ang mga bahay kubo sa Alunan Avenue ay magiging bukas sa publiko, at dito rin ibebenta ang mga lokal na produkto na tampok sa bawat kubo.

Layunin nitong ipakita hindi lamang ang sining kundi ang potensyal sa negosyo at turismo ng lungsod. Sa pamamagitan ng pagsanib ng kultura, disenyo, at kaunlaran, ang modernong bahay kubo ng Koronadal ay hindi lamang isang estruktura kundi isang pahayag ng pagkakakilanlan, pagkakaisa, at pag-asa.

Isa itong patunay na ang tradisyon ay maaaring yakapin sa modernong panahon, at maipagmalaki sa harap ng buong bansa.

Ang T’nalak Festival ay hindi lamang pagdiriwang ng kultura — ito rin ay patuloy na paalala ng kung sino tayo bilang mga mamamayan ng South Cotabato, at kung ano ang kaya nating marating bilang isang komunidad.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *