Bilang bahagi ng malawakang hakbang upang i-modernisa ang sektor ng agrikultura at mapataas ang produksyon ng mga magsasaka, namahagi ang Department of Agriculture (DA) Caraga ng mga makinaryang pre- at post-harvest na nagkakahalaga ng ₱72 milyon sa 46 na Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) Sa Taguibo, Butuan City nito lamang ika-29 ng Hulyo 2025.
Ang mass turnover na isinagawa sa Butuan City ay kaakibat ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na palakasin ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng modernisasyon ng agrikultura.
Kabilang sa mga ipinamahaging makinarya ang sumusunod,10 unit ng four-wheel drive tractors; 7 corn combine harvesters; 2 rice combine harvesters; 3 multi-commodity threshers; 4 bubble dryers; 3 greenhouse na may kasamang hydroponics; 7 power sprayers; 2 hauling trucks at tig-iisang unit ng soybean sorter, SPIS, corn recirculating dryer, corn husker-sheller, corn mill, cassava chipper, seed sorter, multi-crop drying pavement, solar poly tunnel dryer, pneumatic four-row planter, at shredder.
Upang matiyak ang tamang paggamit at mapanatili ang mahabang buhay ng mga makinang ipinagkaloob, magsasagawa ang DA-Caraga, sa pamamagitan ng Regional Agricultural Engineering Division ng mga technical training para sa mga benepisyaryo.
Layunin ng programang ito na matiyak ang pangmatagalang paggamit ng mga makinarya at mapalawak ang benepisyo sa iba pang miyembro ng mga kooperatiba. Ang pamamahaging ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DA-Caraga na suportahan ang mga lokal na magsasaka at palakasin ang produksyon ng pagkain sa rehiyon.

