Naging benepisyaryo ng Carabao Project ng Department of Agriculture Region-9 (DA-9) ang limang grupo ng mga magsasaka sa Zamboanga Peninsula noong ika-16 ng Agosto 2025.
Ang proyekto ay ipinatupad ng Kagawaran sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development o SAAD Program Phase 2.
Umabot sa 37 mga kalabaw ang naipamahagi ng DA sa kanilang mga benepisyaryo sa iba’t ibang mga lugar sa rehiyon.


Sa Zamboanga del Norte, ang Nilabo Farmers Association sa bayan ng Sibutad at ang Totongon Framers Association sa bayan ng Mutia ay nakatanggap ng siyam na caraheifer o dumalagang kalabaw, at isang carabull o torong kalabaw; siyam na dumalagang kalabaw naman ang natanggap ng San Jose Farmers Association sa bayan ng La Libertad; at tatlong dumalagang kalabaw sa Sipaon Farmers Association sa bayan ng Rizal.
Habang limang dumalagang kalabaw ang ipinagkaloob ng DA-SAAD sa Mabuhay Farmers Agrarian Beneficiaries Association sa bayan ng Mabuhay sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng higit sa P1.8 na milyon na may layuning tulungan ang bawat Pilipinong magsasaka tungo sa kaunlaran at mabigyan ng importansya ang lahat ng magsasaka sa kontribusyon lalo na sa pagbibigay ng pagkain sa bawat hapag ng mamamayang Pilipino.