Tinatayang mahigit P16.1 milyong halaga ng puslit na yosi ang narekober sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip ng isang pulis at driver nito lamang madaling araw ng Setyembre 11, 2025 sa Sitio Bactus, Barangay Talabaan, Zamboanga City.
Kinilala ang mga naaresto na si alyas “Ben”, 43 anyos, aktibong miyembro ng PNP na naka-assign sa Jolo, Sulu at si alyas “Ernesto”, 55 anyos, residente ng Barangay Divisoria, Zamboanga City, driver ng narekober na sasakyan.
Narekober mula sa mga suspek ang isang Isuzu ELF Closed Van na may plakang KBF 2276 at may kargang 282 master cases ng iba’t ibang brand ng puslit na yosi na tinatayang nagkakahalaga ng P16,158,600.00.



Nabatid na walang maipakitang kaukulang dokumento ang mga suspek kaya agad dinakip ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Republic Act 10643 (Graphic Health Warning Law).
“This operation demonstrates our firm resolve to protect maritime borders and disrupt the flow of smuggled goods that harm our economy and legal trade. PRO 9, together with partner agencies, will remain relentless in intelligence-driven operations and maritime patrols to ensure that violators face justice,” pahayag ni Police Brigadier General Eleazar P Matta, Regional Director ng Police Regional Office 9.