Inilunsad ang Yaman ng Kalusugan Para sa Pamilya o YAKAP Program katuwang ang PhilHealth at Department of Health (DOH) upang magbigay ng libreng konsultasyon, laboratory tests, at gamot para sa mga mamamayan ng Cagayan de Oro City nito lamang ika-27 ng Setyembre 2025.
Ang unang nakinabang sa naturang programa ay ang mga estudyante ng City College of Cagayan de Oro at mga residente ng Barangay Agusan.
Ang YAKAP ay isang bagong inisyatiba ng PhilHealth na layong maghatid ng libre at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng mga accredited centers.
Sa Cagayan de Oro, mayroong 25 YAKAP-accredited centers na magbibigay ng mas malapit at mas madaling akses sa serbisyong medikal para sa lahat.
Ito ay isang malaking hakbang tungo sa mas mabilis at mas malawak na pagpapatupad ng Universal Health Care, kung saan ang mabuting kalusugan ay kinikilala bilang tunay na yaman ng bawat pamilya.
Nagpahayag ng pasasalamat ang pamahalaang lokal sa PhilHealth, DOH, at lahat ng katuwang sa City Hall na naging bahagi ng programa.
Sa pamamagitan ng pagkakaisa ng lokal at pambansang pamahalaan, masisiguro na walang maiiwan sa pagkakaloob ng maayos at sapat na serbisyong pangkalusugan para sa mga taga-Cagayan de Oro.