Muling nakatanggap ng Supplementary Feeding Program mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga Child Development Centers (CDCs) ng Surallah na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 2,300 batang naka-enroll sa iba’t ibang CDCs sa bayan sa Surallah, South Cotabato nito lamang Lunes, Setyembre 29, 2025
Isinagawa ngayong araw sa Evacuation Center ang ika-7 na pamamahagi para sa Cycle 15 ng programa, na layong matugunan ang nutritional needs ng mga batang benepisyaryo at masiguro ang kanilang kalusugan at wastong nutrisyon.
Pinangasiwaan ang aktibidad ng mga Child Development Workers sa pangunguna ni ECCD Focal Person Melona F. Barrientos, na aktibong katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon para sa kabataan.

Ang Supplementary Feeding Program ng DSWD ay mahalagang hakbang upang maiwasan ang malnutrisyon sa mga bata at mapalakas ang kanilang pisikal at mental na pag-unlad.
Malaking pasasalamat naman ang ipinahayag ng mga magulang at guro sa patuloy na suporta ng pamahalaan sa ganitong inisyatibo na direktang nakakatulong sa mga pamilya sa Surallah.

Nananatiling bukas ang LGU Surallah at ang DSWD sa pagtutulungan upang mas mapalawak pa ang saklaw ng mga programang pangkalusugan at pangkabuhayan para sa kabataan ng bayan.