Maswerteng nakaligtas ang isang senior citizen matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nakatambay sa isang tindahan sa National Highway, Poblacion, Buluan, Maguindanao del Sur nito lamang Lunes, ika-29 ng Setyembre 2025.
Kinilala ang biktima na si Mamalangkas Solaiman Idsa, 69 anyos, residente ng nasabing bayan.
Batay sa ulat ng pulisya, nakaupo lamang umano ang biktima sa labas ng kanyang tindahan nang biglang dumating ang mga suspek na sakay sa isang motorsiklo at pinagbabaril ang biktima.
Mabilis namang nakatakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kanang braso at agad isinugod sa hospital para sa paunang lunas.
Gayunpaman, patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad, kasabay ng malalimang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga salarin sa likod ng insidente.