Ipinamahagi sa tatlong irrigators association sa bayan ng Labason, Zamboanga del Norte ang ₱6.8 milyong halaga ng mga makinarya sa pagsasaka noong Oktubre 9, 2025.
Ang naturang mga kagamitan ay ipinamahagi sa pagtutulungan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech), Department of Agriculture (DA), at ng National Irrigation Administration Region-9 (NIA-9) sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF Mechanization Program.
Ito’y bahagi rin ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan upang gawing moderno ang pagsasaka ng palay at mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka pagkatapos ng ani.


Ang Batayan United Farmers Irrigators Association ay nakatanggap ng isang Four-Wheeled Tractor Tier II, habang ang Jolipaman Irrigators Association ay binigyan ng isang Rice Combine Harvester Tier II Type II, at ang Triple L Irrigators Association ay binigyan naman ng isang Rice Combine Harvester Tier II Type I.
Ang naturang mga kagamitan ay inaasahang magpapahusay sa paghahanda sa lupa at sa pag-aani, at makatutulong sa mga magsasaka na maibsan ang gastos sa produksyon, tataas ang mga ani, at maisulong ang pagsasakang may kakayahang makipag-sabayan at pangmatagalan.