Nagsagawa ang mga tauhan ng Cagayan de Oro City Hall sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Department–Psychosocial Unit ng isang lighting ceremony na may temang “Light Up Blue for Mental Health” nito lamang Biyernes ng gabi, Oktubre 10 2025, sa Executive Building, Cagayan de Oro City.
Dumalo sa programa sina CSWD Department Manager Anecia Tongson, City Psychologist Rio Rosal Baliling, mga kinatawan mula sa Philippine Mental Health Association Cagayan de Oro-Misamis Oriental Chapter, at iba’t ibang empleyado ng City Hall.
Binigyang-diin ng programa ang kahalagahan ng pagkakaroon ng madaling maabot na serbisyong pangkalusugang pangkaisipan, lalo na sa panahon ng kalamidad gaya ng lindol na naranasan sa lungsod kamakailan.
Ang pagpapa-ilaw ng gusali ng City Hall sa kulay asul ay sumisimbolo sa kapayapaan, kapanatagan, at pag-asa — paalala na sa gitna ng kaguluhan at takot, mayroong liwanag na nagbibigay-lakas sa bawat isa.
Layunin ng naturang aktibidad na palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kahalagahan ng kalusugang pangkaisipan at hikayatin ang komunidad na magbigay ng suporta sa mga taong dumaranas ng emosyonal at sikolohikal na mga hamon.
