Inilunsad noong Martes, Marso 5, 2024, ng Embassy of India sa Pilipinas ang unang India-Philippine Tech Summit (IPTS) upang makatulong na palakasin ang economic at strategic partnership ng dalawang bansa sa pamamagitan ng paggamit ng digital technology.

Sa kanyang talumpati sa IPTS sa Shangri-La The Fort sa Taguig City, binanggit ni Indian Ambassador to Manila Shambhu Kumaran ang pangangailangan para sa mga papaunlad na bansa na maging maalam sa pakikisosyo —lalo na sa seguridad, people-to-people ties, at ekonomiya.

“Sa pagdating ng AI (Artificial Intelligence), magkakaroon ng mga karagdagang pagbabago. Kailangan ng partnership. At ang summit ang simula ng partnership na iyon,” ani Kumaran.

Ang kaganapan, aniya, ay makatutulong sa pagdadala ng mga negosyanteng Indian upang palawigin ang kaalaman ng mga Pilipino sa mundo ng teknolohiya sa pamamagitan ng kanilang mga kwentong tagumpay.

“Para sa Pilipinas, ang India ay nag-aalok ng pagkakataong mag-aral, magpatibay, at makipagtulungan,” dagdag niya.

Sa partikular, ang summit ay nagdala ng mga Indian na may mga startup na kumpanya na nagkakahalaga ng higit sa USD1 Bilyon na pribadong pagmamay-ari at hindi nakalista sa isang share market—pati na rin ang iba pang mga startups sa larangan ng agrikultura, pangangalaga sa kalusugan at teknolohiyang pinansyal (fintech) sa Pilipinas.

“Ang IPTS 2024 ang magdadala ng mga stakeholders sa aspeto ng teknolohiya at magbibigay ng pagkakataon para sa networking pati na rin upang galugarin ang mutually beneficial G2B (Government-to-Business) at B2B (Business-to-Business) partnerships,” dagdag pa niya.

Sa kabilang banda, sinabi ni Mr. Ivan John Uy, Kalihim ng Kagawaran ng Teknolohiyang Pang-Impormasyon at Komunikasyon o DICT (Department of Information and Communications Technology), na nananatiling masigasig ang gobyerno ng Pilipinas na mapanatili ang pakikipagtulungan nito sa pribadong sektor.

Sa ngayon, sinabi niya na mayroong ilang mga kasunduan na kasalukuyang nasa ilalim ng negosasyon sa gobyerno ng India sa ‘cybersecurity’ at ‘digital transformation.’

“Ang summit ay isang angkop na pagpapanibago ng kooperasyon at pagdiriwang ng pagtatatag ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng dalawang bansa,” sabi ni Uy sa isang naka-record na talumpati.

Ang isang araw na IPTS ay inorganisa ng DICT at ng Philippines Chamber of Commerce and Industry (PCCI) gayundin ng India’s Ministry of Electronics and Information Technology (MEITy) at ng Federation of Indian Chambers of Commerce and Industry (FICCI).

Nasa 300 kalahok mula sa agrikultura, pangangalagang pangkalusugan at mga fintech na kumpanya gayundin ang mga kinatawan ng mga ahensya ng gobyerno at negosyo ng Pilipinas ang inaasahang dadalo sa kaganapan.

Inaasahang lalahok din ang mga ‘angel investors’ o mayayamang mamumuhunan, ‘venture capital firms’ at ‘incubators’.

Bukod sa mga mga nabanggit, itinampok din sa summit ang mga pag-uusap ng mga eksperto sa larangan ng agrikultura, pangangalaga sa kalusugan, at fintech.

Source: PNA

PNA photo by Raymond Carl dela Cruz

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *