Mas palalawigin pa ng Pilipinas at bansang Cambodia ang pakikipagtulungan sa usaping pagkakaroon ng sapat na supply ng bigas, iyan ay kasunod sa isinagawang bilateral meeting ni President Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang Cambodian Prime Minister na si Hun Manet kasabay ng 50th ASEAN-Australia Special Summit na ginanap sa Melbourne, Australia.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), balak umano ng bansa na makipagkalakalan sa Cambodia sa sektor ng agrikultura, partikular na sa supply ng bigas.

Kabilang din sa mga tinalakay sa nasabing bilateral meeting ang iilang mga Memorandum of Understanding ng dalawang bansa at ang pagpapalawak ng unayan nito sa mga bansang nangunguna sa produksyon ng palay kabilang na diyan ang bansang Cambodia. Tinalakay din nila ang connectivity ng dalawang bansa sa pagpapatibay sa mga sektor ng turismo at industriyang pangkalakalan.

Sinabi naman ni Minister Hun, na nais din ng Cambodia na magkaroon ng karagdagang kasunduan sa Pilipinas upang mas dumami pa ang bilang ng mga turista mula sa Cambodia papuntang Pilipinas at vice versa.

Dagdag pa ni Hun na mayroon na silang limang flight mula Cambodia papuntang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at inaasahang madadagdagan pa ito ng ibang destinasyon gaya ng Cambodia patungong Cebu.

Samantala, tiniyak naman ni PBBM na mas pagagandahin pa ng kanyang administrasyon ang lahat ng mga paliparan ng bansa partikular na ang mga lugar na dagsain ng turista upang mas mahikayat pa ang mga bisita na bumalik sa bansa.  

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *