Sa ginanap na welcome dinner para sa mga pinuno ng delegasyon ng 68 Session ng Commission on the Status of Women (CSW68) sa New York nito lamang Martes, Marso 12, 2024, nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ito na magtulungan upang makamit ang pantay at ganap na partisipasyon ng mga kababaihan sa lipunan.

Sa isang video message na ipinakita sa nasabing aktibidad ay binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng agarang pagkamit ng gender equality at women empowerment.

“As chair of this session, we urge collective action towards innovative solutions for women’s empowerment so together, let’s achieve a meaningful result for gender equality,” saad ng Pangulo. 

Binanggit din ng pangulo na may ilang batas na sa Pilipinas na naglalayong masiguro ang isang ligtas na kapaligiran para sa mga kababaihan kontra sa sexual harassment at trafficking. Idinagdag din niya na nakatuon ang pamahalaan sa pagpapalakas ng karapatan ng mga kababaihan at pagtiyak sa kanilang partisipasyon upang mapanatili ang mga layunin sa pag-unlad sa bansa. 

Bukod pa rito, nagbigay din si Marcos ng pagpupugay sa mga kababaihan sa Pilipinas na nagbigay ambag sa pag-unlad ng bansa. 

“Equality between men and women is in the DNA of the Filipino. We believe that without meaningful participation and inclusion of women, we cannot move forward as a nation and successfully attain our country’s goals,” dagdag ni Marcos.

Ayon sa datos mula sa United Nations Entity for Gender Equality and the Empowerment of Women, o kilala bilang UN Women, isa sa bawat sampung kababaihan sa mundo ay namumuhay sa labis na kahirapan at inaasahang mahigit 236 milyong kababaihan, dalawang beses kaysa sa 131 milyong kalalakihan, ay mararanasan ang gutom sa taong 2030 dahil sa pagbabago ng klima. 

Samantala, ang bilang naman ng mga kababaihan at batang babae na naninirahan sa conflict-affected areas ay nasa mahigit 614 milyon. 

Iniulat din ng UN Women na tanging 61 porsyento lamang ng mga kababaihan ang kasalukuyang nasa labor force, mas mababa kaysa sa 90 porsyento ng mga nagtatrabahong kalalakihan. 

Ang CSW ang pangunahing pandaigdigang intergovernmental na ahensya na eksklusibong nakatuon sa pagsusulong ng gender equality at women empowerment na mayroong 90 na member-states.

Ngayong taon, ang CSW ay pinangunahan ng Pilipinas sa pamamagitan ng Permanent Representative ng bansa sa UN na si Antonio Lagdameo at magtatagal mula Marso 11 hanggang 22 na may tema na “Accelerating the Achievement of Gender Equality and the Empowerment of All Women and Girls by Addressing Poverty and Strengthening Institutions and Financing with a Gender Perspective”.

Ilan sa mga kalahok mula sa Pilipinas ay ang mga opisyal mula sa Philippine Commission on Women, Department of Foreign Affairs, Presidential Communications Office, Department of the Interior and Local Government, Department of Social Welfare and Development, at Civil Society Organizations.  

Source: PNA

Photo Courtesy by PCO

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *