Anticala, Butuan City- Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga komunista na nagresulta sa pagkakarekober ng mga matataas na baril at pampasabog sa Mt. Apo-Apo, Sitio Dugyaman, Bgy. Anticala, Butuan City nito lamang Hunyo 16, 2023.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng napatay na miyembro
ng isang lalaki at dalawang babaeng miyembro ng NPA na nag-o-operate sa lalawigan.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa tulong ng concerned citizens na may mga namataang armadong lalaki na gumagala sa nasabing barangay kaya agad rumesponde ang mga miyembro ng Philippine Army at PNP.
Napag-alaman na ang tatlong namatay na NPA ay miyembro ng Sandatahang Yunit Pampropaganda 21C, Guerilla Front 21 (SYP21C, GF21) at Platoon Dao, Sub-Regional Sentro De Grabidad (SRSDG) Westland, pawang mga grupo sa ilalim ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC).
Narekober sa naturang operasyon ang limang AK47 rifles, apat na AR18 rifles, tatlong M4 rifles, dalawang M203 grenade launchers, isang M16 rifles at iba’t ibang supersibong dokumento.
Patuloy pang tinutugis ng tropa ng pamahalaan ang mga tumakas na miyembro ng NPA at nanawagan sa mamamayan na makipagtulungan agad sa awtoridad kapag may namataan na mga kahina-hinalang tao at aktibidad upang makamit ang kaayusan, katahimikan tungo sa pagkamit ng kaunlaran.