Naging matagumpay ang pormal na pagbubukas ng SOCCSKSARGEN Regional Athletics Association (SRAA) Meet 2024 na ginanap sa Antonio Acharon Sr. Sports Complex and Recreation Center, General Santos City nito lamang ika-13 ng Mayo 2024.
Pinangunahan ni DepEd 12 Regional Director Carlito D. Rocafort, General Santos City Mayor Lorelie G. Pacquiao, Schools Division Superintendents, DepEd Officials, at iba pang matataas na opisyal ng syudad ang nasabing aktibidad.
Baon ang kanilang lakas ng loob, tiwala sa sarili at pangarap bilang mga atleta, handang-handa nang sumabak ang libo-libong mga manlalaro sa mahigit 30 na mga “sports events” mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon na kinabibilangan ng Tacurong City, Sultan Kudarat, South Cotabato, Koronadal City, Sarangani Province, Cotabato Province, Kidapawan City at ang General Santos City na siyang host ng aktibidad ngayong taon.
Nagbigay inspirasyon din sa lahat ang tinaguriang “Pambansang Kamao” ng Pilipinas na si dating Senator Emmanuel “Manny” D. Pacquiao kung saan sa kanyang mensahe ay binigyang diin nito na liksi, sipag, at puso ang kailangan upang makamit ang mga minimithing tagumpay.