Isinagawa ang ikatlong delivery ng mga suplay ng pagkain sa ilalim ng Supplementary Feeding Program (SFP) CY 2024 sa bayan ng Matalam, Cotabato nito lamang ika-24 ng Setyembre 2024.
Ang naturang aktibidad ay isinakatuparan sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). Tinatayang nasa ₱3.6M ang kabuoang pondo na inilaan ng pamahalaang nasyonal para sa 2,000 batang nag-aaral sa 74 Child Development Centers ng LGU Matalam kung saan ang ikatlong batch ng paghahatid ng suplay ay nagkakahalaga ng ₱600,000 na bahagi ng anim na scheduled deliveries para sa taong 2024.
Ang mga suplay ay personal namang tinanggap at lubos na pinasalamatan ng mga child development workers at mga kawani ng Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO).
Ang Supplementary Feeding Program ay isang inisyatibong programa ng liderato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., na itinataguyod sa pamamagitan ng tanggapan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Ang mabilis na implementasyon naman nito sa rehiyon at probinsya ng Cotabato ay dahil na rin sa pinagsamang pagsisikap at pagtutulungan nina DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. at Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na parehong may hangaring malabanan ang malnutrisyon lalo na sa mga kabataang Cotabateño. Layunin nito na matutukan ang kalusugan at mapaunlad ang estado ng nutrisyon ng mga batang naka-enroll sa mga child development centers sa buong bayan.