Isang tradisyonal na kakanin ng mga Filipino ang sayongsong na nagmula sa Surigao del Norte at iba pang bahagi ng Caraga Region sa Hilagang-Silangang Mindanao.

Kilala rin ito sa timog-silangang Visayas, tulad ng sa Bohol, Samar, at Leyte, kung saan tinatawag itong sarungsong o alisuso. Isa sa mga kakaibang katangian ng sayongsong ay ang paghahain nito sa hugis ‘cone’ na dahon ng saging.

Bagama’t isa itong uri ng puto o steamed rice cake, naiiba ito dahil sa kanyang lasa, tekstura, at proseso ng paggawa. Medyo matrabaho ang paggawa ng sayongsong dahil ito ay gawa sa pantay na dami ng malagkit na bigas at regular na bigas.

Tradisyonal din itong gumagamit ng pirurotong, isang uri ng katutubong malagkit na bigas na may natural na kulay lilang asul.

Ang bigas na ito ang nagbibigay sa sayongsong ng makulay na asul hanggang lilang hitsura. Sa kabila nito, maaari ring gumamit ng ibang uri ng malagkit na bigas, depende sa available na sangkap.

Hindi lamang pagkain ang sayongsong kundi bahagi rin ng mayamang kultura at tradisyon ng mga taga-Surigao at ng Visayas.

Ang kakaibang kombinasyon ng mga lokal na sangkap, pamamaraan ng pagluluto, at paggamit ng dahon ng saging bilang pambalot ay sumasalamin sa kasaysayan at pamana ng mga ninuno sa rehiyon.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *