Bukas na sa publiko ang Libreng Outdoor Fitness Equipment handog ng LGU Kidapawan sa Barangay Poblacion, Kidapawan City nito lamang ika-7 ng Nobyembre 2024.
Pinangunahan ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, ang ribbon cutting ng naturang aktibidad katuwang ang iba pang tauhan ng LGU Kidapawan City.
Isa sa pangunahing isinusulong ng lokal na pamahalaan, maliban sa malusog na ekonomiya ay ang malusog na mamamayan nito, kaya naman ay naglagay ng libreng outdoor fitness equipment ang City Government sa city high walk upang maging accessible ito sa publiko.
Abot sa 33 outdoor fitness equipment ang ininstall ng lokal na pamahalaan na kinabibilangan ng push and pull trainer, swivel fitness, treadmill, hand and foot exerciser, sliding machine, abdominal muscle board, double supine board, triple waist twisting equipment, double back massager, fitness riding machine, elliptical machine, at chess and card table.
Nagkatuwaan naman ang mga dumalo, gayundin ang publiko sa paggamit sa fitness equipment, lalo pa at ito ang pinakaunang pagkakataon na mayroong ganito sa lungsod.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga residente dahil sa tugon ng City Government sa kanilang kahilingan dahil madalas ay sa private gym lamang ito matatagpuan.