Pinarangalan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Caraga ang makasaysayang tagumpay ni Gng. Sebastiana Villa Mercado, RPh, isang sentenaryo mula sa Butuan City, Agusan del Norte noong Nobyembre 21, 2024.
Si Gng. Mercado ay binigyang-pugay bilang simbolo ng pagmamahal, pagkakaisa, at inspirasyon para sa kanyang pamilya at komunidad.
Sa okasyong ito, tumanggap si Gng. Mercado ng Sertipiko ng Pagkilala, isang Liham ng Pagpupugay mula sa Pangulo ng Republika ng Pilipinas, at cash gift na nagkakahalaga ng Php100,000.00 mula sa programang nagbibigay-pugay sa mga sentenaryo. Bilang karagdagang pagkilala, iginawad ng Pamahalaang Lokal ng Butuan City, sa pamamagitan ng Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) at kinatawan ni Hon. Victor Vicente Plaza, ang Php50,000.00 kay Lola Sebastiana.
Ang naturang halaga ay simbolo ng pasasalamat ng lungsod sa isang siglo niyang ambag sa komunidad.
Ang makabuluhang okasyon ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Konseho ng Barangay ng Barangay Bayanihan na pinamunuan ni Brgy. Chairperson Wilo Montero, gayundin ng mga opisyal mula sa National Commission of Senior Citizens.
Ang DSWD Field Office Caraga, katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang kasamahan sa komunidad, ay muling nagpatibay ng kanilang dedikasyon sa pagkilala at pagsuporta sa mga senior citizen.
Naniniwala ang komunidad na ang tulad ni Gng. Sebastiana ay haligi ng lakas, inspirasyon, at kasaysayan na dapat ipamana sa susunod na henerasyon.
Ang diwa ng pagdiriwang na ito ay isang paalala sa lahat na ang pagpapahalaga at pagkilala sa ating mga nakatatanda ay higit pa sa seremonya.