Nakatanggap ang 500 benepisyaryo ng KALAHI-CIDSS Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay (KKB) Cash-for-work Program ng kanilang sahod para sa buwan ng Nobyembre mula sa isinagawang payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) IX sa lungsod ng Zamboanga nito lamang ika-22 ng Disyembre 2024.
Aabot sa higit P2-Milyon ang naipamahagi ng ahensya sa mga naturang benepisyaryo kung saan ang bawat isa sa mga ito ay may daily minimum wage na P381.00 kada araw.
Kabilang sa mga Cash-for-work na mga benepisyaryo na nakatanggap ng kanilang buwanang sahod ay ang mga nagbigay ng kani-kanilang serbisyo sa tanggapan ng DSWD Field Office IX, City Health Office, City Social Welfare and Development Office, Zamboanga Peninsula Polytechnic State University, at DepEd Division of City Schools.
Ang nasabing programa ng DSWD IX ay naglalayong mabigyan ng pansamantalang tulong ang mga estudyante, college graduates, at mga pamilyang naapektuhan ng sakuna sa pamamagitan ng panandaliang trabaho.