General Santos City – Arestado ang isang lalaki matapos nitong saksakin ang dalawang security guard ng London Beach Resort sa Purok Darrusalam, Brgy. Bawing, General Santos City nito lamang Setyembre 23, 2023.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Jun”, 42-anyos, may asawa at residente ng nasabing barangay.
Habang ang dalawang sekyu na sugatan ay kinalalang sina Dawn Allen Ponce De Leon, 32, may asawa, at residente ng Malandag, Saranggani Province at Rover John Mesicola 25-anyos, walang asawa at residente ng Lagao,General Santos City.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nasa ilalim ng impluwensya ng nakalalasing na alak ang suspek nang walang pag-alinlangang inatake ang dalawang biktima gamit ang isang kutsilyo.
Parehong nagtamo ng mga saksak ang mga biktima at agad namang naisugod sa Gensan Medical Center Hospital para sa agarang medikal na atensyon.
Mahaharap sa kasong Frustrated Murder ang suspek at patuloy ang pagsisikap ng mga awtoridad na mapanatiling ang seguridad at kaayusan sa ating pamayanan.