Opisyal nang sinimulan ang pinakamalaking taunang sports event sa buong rehiyon ng Davao – ang Davao Regional Athletic Association (DAVRAA) Meet, na nagsimula nito lamang Marso 9, 2025 sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex.
Ang DAVRAA Meet ay isang prestihiyosong kaganapan na nagtitipon ng mga atleta mula sa iba’t ibang lalawigan at siyudad ng rehiyon upang magtagisan ng galing at makipagkumpitensya sa iba’t ibang sports.
Sa loob ng pitong araw, ang mga kalahok ay magtatanghal ng kanilang kakayahan sa iba’t ibang sports na kinabibilangan ng archery, athletics para sa mga lalaki, badminton, chess, dance sports, football, swimming, tennis, volleyball, arnis, billiards, futsal, gymnastics, softball, sepak takraw, table tennis, baseball, taekwondo, boxing, wrestling, wushu, at pencak silat na gaganapin sa mga magkakaibang lugar sa loob ng Tagum City.
Ang kaganapang ito ay nagiging isang platform para sa mga batang atleta na magtulungan, magpursige, at magtagumpay sa kanilang mga disiplinang pampalakasan.
Bukod dito, ang event ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang kabataan upang magsanay at magsikap para sa mas mataas na antas ng kompetisyon sa larangan ng sports.
Isa naman itong mahalagang pagkakataon upang mapalakas ang sports development at pagkakaisa ng mga kabataan sa rehiyon.
