Dead-on-arrival sa pagamutan ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Kayupo, Pandag, Maguindanao del Sur noong Abril 28, 2025.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima sa alyas na “Tato,” residente ng nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle nang bigla itong dikitan ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril gamit ang isang cal. 45 pistol.
Narekober ng mga rumespondeng pulisya ang isang basyo ng bala mula sa nasabing kalibre sa crime scene.
Agad na isinugod ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan, subalit idineklara ng attending physician na dead-on-arrival.
Patuloy namang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Pandag Municipal Police Station upang matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek. Nanawagan din ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon ukol sa insidente na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang agarang mapanagot ang mga nasa likod nito.