Binisita ni Police General Rommel Francisco D. Marbil, Chief, Philippine National Police, at sinuri ang kahandaan at seguridad ng Police Regional Office (PRO) 13 para sa nalalapit na National and Local Election 2025 sa Camp Colonel Rafael C Rodriguez, Butuan City nito lamang Mayo 9, 2025.
Ibinida ng Caraga Cops ang Push-to-Talk Over Cellular (POC) radios sa mga yunit ng PRO13 at ang paglunsad ng mobile application na Alerto, Giya, Andam, Paglikay o A.G.A.P. Caraga na mga hakbangin ni Police Brigadier General Christopher N. Abrahano, Regional Director ng PRO13.
Nagkaroon din ng “Talk to Men” si CPNP Marbil na sinundan ng command conference, kung saan inilahad ni RD Abrahano ang mga kasalukuyang update at plano para sa halalan.

Sa mensahe ni PGen. Marbil, nanawagan ito sa mga pulis na manatiling walang kinakampihan, igalang ang karapatang pantao, at sundin ang batas sa lahat ng gawaing may kaugnayan sa eleksyon.
Tiniyak din nito sa publiko na paiigtingin pa ng PNP ang mga operasyon kontra loose firearms at iba pang banta sa kaayusan, lalo na sa araw ng halalan.


