Patay ang isang magsasaka ng pagbabarilin sa hindi pa nakikilalang suspek sa National Highway, Barangay Brar, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur noong Hunyo 13, 2025.
Kinilala ang biktima na si alyas “Datu,” 48 anyos, isang magsasaka, at residente ng Poblacion Dalican, Maguindanao del Norte.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na destinasyon nang bigla itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.
Tinamaan ang biktima sa likurang bahagi ng ulo at sa braso at agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara rin itong dead-on-arrival ng mga attending physician.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala mula sa hindi pa natutukoy na uri ng baril.
Patuloy na isinasagawa ng Datu Anggal Midtimbang Municipal Police Station ang malalimang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin. Hinihikayat din ng mga awtoridad ang sinumang may impormasyon kaugnay sa insidente na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang agarang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.