Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City noong Hunyo 25, 2025.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima sa alyas na “Asraph,” residente ng Mother Kabuntalan, Maguindanao del Norte.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima mula sa hindi bababa sa isang suspek na armado ng cal. 45 na baril.
Dahil sa matinding sugat, agad na binawian ng buhay si “Asraph” sa pinangyarihan ng insidente.
Patuloy na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga imbestigador ng Cotabato City Police Office upang matukoy ang motibo sa likod ng krimen at makilala ang mga responsable. Hinimok naman ng kapulisan ang sinumang posibleng nakasaksi sa insidente na makipag-ugnayan upang mapabilis na malutas ang kaso.