Cotabato – Tiklo ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng mga ilegal na armas sa Brgy. Del Carmen, President Roxas, Cotabato, dakong 2:25 ng madaling araw nito lamang Linggo, Enero 7, 2024.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jerry”, 48-anyos, at residente ng Brgy. Sagcungan, President Roxas, Cotabato.
Ayon sa ulat ng President Quirino Municipal Police Station, sa bisa ng search warrant ay nilusob ng kanilang hanay katuwang ang 1203rd Maneuver Company ng RMFB12 ang tinutuluyan na bahay kubo ng suspek na nagresulta sa pagkakarekober ng isang yunit ng Cal. 38 revolver, isang yunit ng granada at mga bala.
Kasong paglabag sa R.A.10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act ang kakaharapin ng suspek.
Patuloy ang PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan upang makamit natin ang kaunlaran.