Bilang bahagi ng paghahanda sa mga posibleng sakuna, nagsagawa ng Mass Casualty Incident Management Training ang Provincial Health Office kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Philippine Red Cross, at ang Department of Health (DOH) noong Hulyo 25, 2025 sa Lambo, Davao de Oro.
Isinagawa ang isang simulation exercise upang mailahad sa aktwal na sitwasyon ang mga hakbangin sa pagtugon tuwing may malaking bilang ng nasusugatan o nangangailangan ng agarang medikal na atensyon — gaya ng sa mga aksidente, natural na kalamidad, o iba pang mass emergency situations.
Sentro ng pagsasanay ang kahandaan ng mga miyembro ng Health Emergency Response Team (HERT), partikular ang mga medical frontliners at mga kawani mula sa iba’t ibang ospital sa lalawigan.
Dito, sinubok ang kanilang bilis, koordinasyon, at kakayahan sa pagresponde sa mga insidente kung saan sabay-sabay ang pagdating ng mga pasyente. Ang ganitong hakbang ay bahagi ng pinaigting na kampanya ni Governor Raul Mabanglo, para sa mas ligtas at mas malusog na lalawigan.
Dagdag pa, ang nasabing training ay inaasahang mauulit pa sa mga susunod na buwan upang mapanatili ang kasanayan at kahandaan ng buong health emergency network ng probinsya.


