Pormal nang binuksan ang Kahimunan Trade Fair sa Ayala Malls Centrio, Cagayan de Oro City nito lamang nito lamang Lunes, Agosto 25, 2025.

Isa ito sa mga pangunahing aktibidad ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 10, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Higalaay Festival, na may temang “Northern Mindanao’s Creativity, Innovations, and Traditions.”

Dumalo sa pagbubukas ang mga opisyal ng DTI, kabilang na ang mga provincial directors mula sa Bukidnon, Lanao del Norte, Misamis Oriental, Misamis Occidental, at Camiguin.

Sama-samang ipinakita ang mga pinakamahuhusay na produkto mula sa kani-kanilang probinsya.

Nakiisa rin sa programa si City Councilor Christopher George Goking, Chairman ng Committee on Trade and Commerce at Co-Chair ng naturang trade fair, gayundin si City Administrator Atty. Roy H. Raagas, na kumatawan kay Mayor Rolando “Klarex” Uy, bilang patunay ng matibay na suporta ng lokal na pamahalaan sa nasabing aktibidad.

Layunin ng Kahimunan Regional Trade Fair na maging plataporma para sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) ng Northern Mindanao upang maipakita ang kanilang mga produkto—mula sa mga processed foods, handicrafts, at iba pa.

Sa pamamagitan nito, inaasahang higit pang mapapalakas ang lokal na ekonomiya at ang diwa ng pagnenegosyo sa rehiyon.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *