Idinaos ang photo exhibit upang gunitain ang 80th anniversary ng pagtatapos ng World War II nito lamang Miyerkules, Agosto 27, 2025 sa Limketkai Event Center, Cagayan de Oro City.

Dumalo sa nasabing aktibidad ang lokal na pamahalaan na pinangunahan ni Mayor Rolando “Klarex” Uy, bilang pagpupugay sa katapangan at sakripisyo ng mga bayaning lumaban para sa kalayaan at dignidad ng mga Pilipino noong madilim na bahagi ng kasaysayan.

“Ang exhibit na ito ay nagpapaalala sa atin ng mga taong tumindig para sa mga Pilipino at nagtaguyod ng kalayaan at dignidad sa pinakamahirap na panahon,” ayon kay Mayor Uy, na ipinaabot sa pamamagitan ni John Asuncion, Department Head ng Trade and Investment Promotion Center (ORO-TIPC). Pormal na binuksan ang programa sa pamamagitan ng ribbon-cutting ceremony na pinangunahan ng mga delegado at mga dumalo sa nasabing pagdiriwang.

Itinampok sa exhibit ang mga larawan mula sa Wha-Chi (Philippine-Chinese Anti-Japanese Guerilla Forces), gayundin ang mga imahe ng mga lokal na bayani na nag-ambag sa paglaya ng bansa.

Ang okasyon ay pinangasiwaan ng Cagayan de Oro Filipino-Chinese Community sa pamumuno ni Chairman Efren T. Uy at ng Filipino-Chinese Amity Club Inc., na pinamumunuan ni National President Mariano Chua, katuwang ang Veterans Federation of the Philippines at iba pang Pilipino at Chinese na nakiisa sa pagdiriwang.

Sa pamamagitan ng photo exhibit na ito, muling pinagtibay ng lungsod ang kahalagahan ng pag-alala sa nakaraan upang magbigay-inspirasyon sa kasalukuyan at sa hinaharap tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagkakaisa.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *