Narekober ang tinatayang P235,740.00 halaga ng puslit na yosi sa isang checkpoint operation ng mga awtoridad noong Setyembre 6, 2025 bandang 4:16 ng hapon sa Brgy. Katubao, Kiamba, Sarangani Province.
Kinilala ang suspek na si alyas “Ebrah”, 39 anyos, may asawa, at residente ng Buluan, Maguindanao del Sur.

Napag-alaman na nabigong magpakita ng kaukulang dokumento ang suspek kaya agad inaresto ng pulisya.
Nakuha mula sa suspek ang humigit-kumulang 300 reams ng Fort cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P235,740.00, isang Toyota Vios na may kulay grayish blue mica metallic.
“Ang operasyong ito ay patunay ng ating matatag na paninindigan laban sa smuggling at illegal na kalakalan na nagbabanta sa ating ekonomiya at kapakanan ng mamamayan. Patuloy na paiigtingin ng PRO 12 ang border control at pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kaligtasan ng ating mga komunidad,” pahayag ni Police Brigadier General Arnold P Ardiente, Regional Director ng Police Regional Office 12.