Pormal nang binuksan sa publiko ang kauna-unahang Bagong Urgent Care Ambulatory Services (BUCAS) Center sa Zamboanga Peninsula sa Mindanao Central Sanitarium sa Pasobolong nito lamang Marso 25, 2024.
Ang BUCAS Center ay naglalayong magbigay ng mas mahusay na access sa emergency at ambulatory care services 24/7 sa mga residente. Nag-aalok ito ng isang hanay ng mga pangunahing serbisyong laboratoryo, kabilang ang kumpletong bilang ng dugo, urinalysis, X-ray, at iba pa.
Bukod pa rito ay nag-aalok ito ng mga serbisyo hinggil sa family planning, screening ng HIV, pre at post-test counseling, pati na rin ang mga pamamaraan ng paglalagay at pagtatanggal tulad ng kateter.
Pinangunahan ang seremonya ni City Mayor John Dalipe at nangakong magbibigay ng buong suporta sa paglipat ng mga pasilidad kasama ang DOH ROIX Asst. Regional Director Dr. Lenny Joy Rivera, City Health Officer Dr. Dulce Amor Miravite, MCS Medical Center Chief I Dr. Hannah Turco, Supervising Administration Officer Eleanor Sanson, Zamboanga Doctor’s Hospital Administrator Mitch Koh, Health Workers at Pasobolong Barangay Officials.
Ang nasabing aktibidad ay nagpapakita ng mas pinalakas na kalidad ng pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng pag-upgrade sa mga pasilidad at paggamit ng advance na teknolohiya sa medisina tungo sa mas ligtas, masaya, at maunlad na Bagong Pilipinas.