Surigao del Sur- Mag-asawang opisyal at dalawa pang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa pamahalaan sa Brgy. Puyat, Carmen, Surigao del Sur nito lamang Hunyo 22, 2023.
Kinilala ang mga sumuko na sina alyas “Raquel”, Secretary ng Guerilla Front 30 (GF30), SRC Westland, North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC); alyas “Ben”, asawa ni “Raquel”, Vice Commanding Officer ng Platoon 1, GF30, SRC Westland, NEMRC; alyas “Mark”, pamangkin ni “Raquel”, miyembro ng Platoon 1, GF30, SRC Westland, NEMRC; alyas “Pidok”, miyembro ng Sentro de Gravidad 16, GF16, NEMRC.
Napag-alamang isinuko rin ang mga dala nilang armas tulad ng isang Norinco AK 47, isang M14 rifle, isang AR18 rifle na may naka-attached na isang 40 mm grenade launcher (M203).
Anila, nahihirapan na umano silang mamuhay sa bundok, malayo sa kanilang mahal sa buhay at ang hindi pagtupad ng mga pangako ng makakaliwang grupo bagkus puro pahirap at pakikipag-digmaan sa grupo ng mga awtoridad ang kanilang naranasan.
Nanawagan naman ang grupo ni alyas “Raquel” sa iba pa nilang mga kasamahan na magbalik-loob sa pamahalaan upang makamtan ang tunay na kapayapaan at magsimula ng panibagong buhay kasama ang sariling mga anak at kapamilya.