Nagsagawa ng Vibe Run ang Lokal na Pamahalaan ng Kidawapan City bilang bahagi ng 124th CSC Anniversary na ginanap nito lamang ika-6 ng Setyembre 2024. “Takbo para sa mga Servant-Heroes” ang naging tema ng isinagawang Vibe Run ng Lokal na Pamahalaan ngayong Biyernes ng umaga bilang bahagi ng pagdiriwang ng 124th Anniversary ng Civil Service Commission.
Nakibahagi sa aktibidad ang nasa 156 na kawani ng LGU-Kidapawan sa pangunguna ng City Human Resource Management Office o CHRMO at City Sports Office. Sinimulan ng mga empleyado ang umaga sa pag-indayog sa musika at sayaw sa isinagawang Zumba Dance Activity bago sinimulan ang vibe run.
Sa mensaheng ipinaabot ni Acting City Administrator Janice V. Garcia, sinabi nito na malaki ang pasasalamat ng Lokal na Pamahalaan sa lahat ng Empleyado dahil sa kontribusyon nito upang maayos na maserbisyohan ang mga mamayan ng lungsod. Binigyang-diin niya rin na maituturing na bayani ang mga kawani ng pamahalaan, dahil sa dedikasyon nitong gawin ang kanilang tungkulin upang mapabuti ang buhay ng mga Kidapaweños.