Nag-abot ng tulong ang City Social Welfare and Development Office (CSWD), kasama ang konseho ng barangay Patag sa 25 pamilya o 114 na indibidwal na biktima ng sunog nito lamang Linggo ng hapon, Nobyembre 24, 2024 sa Zone 3, Barangay Patag, Cagayn de Oro City.
Ayon kay Annie Tongson, CSWD Officer, pagkain at non-food items ang binigay ng gobyerno na kasalukuyang nakasilong sa mga collapsible tent sa covered court ng barangay Patag.
Kabilang sa natanggap na tulong ng mga biktima ang 10 kilong bigas, 10 lata ng beef loaf at sardinas, limang lata ng corned beef, 10 pakete ng Energen, hygiene boxes, banig, kumot, plato, mangkok at palayok.
Samantala, nagbigay ng hapunan ang barangay council ng Patag sa mga nasunugan habang nag-aayos ng community kitchen.
Patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga residente na apektado ng sunog hanggang sa makabangon sa dagok ng buhay.