Sa kanyang layuning mapabuti at mapalawak ang serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan ng Davao Oriental, ipinahayag ni Gobernador Niño Uy sa 4th Provincial Health Board Regular Meeting noong Disyembre 17, 2024 ang kanyang matinding pagnanais na maisakatuparan agad ang integrasyon ng Universal Health Care (UHC) sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng probinsya.
Ang sistema ng Universal Health Care (UHC) ay tinitiyak na ang mga tao ay may madaling access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan nang hindi nahihirapan sa pinansyal na aspeto.
Kasama sa mga serbisyong ito ang mga hakbang para sa pag-iwas sa sakit, paggamot, rehabilitasyon, at palliative care para sa mga pasyente na nangangailangan.
Kaya naman ay hinimok ni Governor Uy, ang lahat ng mga kaukulang ahensya at lokal na pamahalaan na buo at aktibong suportahan ang pagsasakatuparan ng inisyatibong ito.
Ibinahagi ng gobernador ang kahalagahan nito at kung paano ito makatutulong nang malaki sa bawat Oryental Dabawenyo sa pagtugon sa kanilang pangangailangan para sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan nang walang pangambang pinansyal.