Matagumpay na naisakatuparan ang Rido Settlement sa pagitan ng dalawang magkaalitang pamilya sa Sitio Landing Fish, Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao del Sur noong ika-8 ng Enero 2025.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap na maitaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa sa mga komunidad sa rehiyon.
Pinangunahan ng Peace, Security and Reconciliation Office ang nasabing aktibidad, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Datu Piang sa pamumuno ni Hon. Victor Samama Al-Hajj. Kasama rin sa mga nakiisa ang iba’t ibang lider ng komunidad, mga miyembro ng kapulisan, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nagbigay ng suporta sa layuning ito.
Ang alitan sa pagitan ng dalawang pamilya ay nag-ugat noong taong 2022 sa Barangay Balnaken, Datu Piang, dulot ng hindi pagkakaintindihan na humantong sa rido o hidwaan.
Sa tulong ng maingat na pag-usap at negosasyon, naabot ang kasunduan na nagbigay-daan sa maayos na pagresolba ng problema. Bilang bahagi ng inisyatibo, nagbigay din ng cash assistance ang Lokal na Pamahalaan ng Datu Piang sa pamilya ng biktima bilang suporta sa kanilang muling pagbangon.
Ang tulong na ito ay kinikilala bilang mahalagang hakbang upang mapawi ang hinanakit at makapagsimula ng bagong kabanata ng pagkakaisa sa kanilang pamayanan.
Inaasahan na ang matagumpay na Rido Settlement na ito ay magiging inspirasyon sa iba pang mga pamilya na makipagkasundo at mamuhay nang may pagkakaunawaan, tungo sa mas tahimik at maunlad na Maguindanao del Sur.

