Dalawa ang patay habang anim ang nailigtas matapos bumangga ang isang tugboat sa isang dayuhang barko sa karagatang sakop ng Maasim, Sarangani Province noong madaling araw ng Marso 25, 2025.
Ayon sa ulat, bandang 4:20 ng umaga, ang M/Tug Sadong 33, na may walong sakay ay nabangga ng MV Universe Kiza, isang barkong may bandilang Panama.
Agad na rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) Maasim Substation, Maritime Police Precinct, at Rescue Maasim upang magsagawa ng search and rescue operations.
Dakong 6:50 ng umaga, nakumpirma ang insidente at natagpuan ang labi ng kapitan ng tugboat na si Andres Diaz Jr. at si si Jan Jeter na nakaligtas sa insidente.
Sa patuloy na retrieval operations bandang 2:20 ng hapon, matagumpay na nasagip naman ang anim pang tripulante na agad dinala sa Maasim Municipal Hospital para sa medikal na atensyon.
Kinilala ang mga nakaligtas bilang sina July Glenn A. Bacud, 38, Oiler, residente ng Barangay 12 (Pob.) Bacolod City (Capital Negros Occidental), oiler.; Niogimark B. Barroga, 31, Oiler, Dimaluna, Ozamis City, Misamis Occidental; Richard L. Padulaga, 42, Chief Engineer, Cagayan De Oro City (Capital), Misamis Oriental; Gabriel T. Aplaca, 27, Able Body Seaman, Lam-An, Ozamis City, Misamis Occidental; Andrew L. Birao, 38, Able Body Seaman, Patag, Cagayan De Oro City (Capital), Misamis Oriental; at si Jose S. Alcos, 51, Chief Mate, at residente naman ng Poblacion Lugait, Misamis Oriental.
Samantala, isa pang tripulante na kinilalang si John Jeter Labor, 25, Oiler, na residente ng Dumingag Zamboanga del Sur, ay natagpuan naman ng PCG Maasim na wala nang buhay.
Sa kabuuan, anim ang nakaligtas habang dalawa ang nasawi sa naturang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng PCG Maasim Substation at Maasim Maritime Police Precinct upang matukoy ang sanhi ng banggaan at maiwasan ang posibleng oil spill sa lugar.
