Ang Sitio Maupot Family Resort sa Barangay Pangao-an, Magpet, North Cotabato ay patuloy na dinarayo ng mga turista dahil sa malamig nitong klima at tanawin ng Mt. Apo.
Kilala ito sa mga pasilidad na hango sa disenyo ng Bali, Indonesia, kabilang na ang mga swing, hugis-pugad na upuan, at infinity pool na nagbibigay ng kakaibang karanasan sa mga bisita.
Isa sa mga pinakapatok na atraksyon sa resort ay ang Bali Corner Adventure, kung saan maaaring subukan ng mga bisita ang matataas na swing at viewing decks na perfect para sa photo ops at nature appreciation.
Bukod sa mga aktibidad, tampok din sa resort ang mga kainan gaya ng Sky Café at Kebun Restaurant, na nag-aalok ng buffet at mga lutuing lokal. Mayroon ding mga kuwartong panuluyan para sa mga pamilyang nais mag-overnight, mula standard rooms hanggang dormitory-type na akma sa grupo.
Patuloy ang pamahalaang lokal sa pagsuporta sa mga eco-tourism sites tulad ng Sitio Maupot upang maisulong ang turismo sa rehiyon.
Sa patuloy na pagdagsa ng mga bisita, isinusulong din ang mga hakbang para mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa lugar, habang binibigyang oportunidad ang lokal na komunidad na makinabang sa pag-unlad ng turismo.


