Pinakilos pa ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil ang kanyang mga field commander para sa mas maigting na kampanya kontra vote-buying, tatlong araw bago ang eleksiyon sa Lunes, Mayo 12.
Sa kanyang pag-iikot sa mga police regional office bilang paghahanda para sa midterm elections, ipinag-utos ng PNP chief ang mas pinaigting na `Kontra Bigay’ operations o kampanya laban sa vote-buying.
Bukod sa vote-buying, kasama sa direktiba ni Marbil ang kampanya kontra vote-selling.
Binigyang-diin niya sa mga field commander ang kahalagahan ng kanilang papel upang mapanatili ang integridad ng halalan.
Kinumpirma rin ng PNP ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng ilang ulat ng bentahan ng boto.
“May ilang ulat ng bentahan ng boto sa iba’t ibang panig ng bansa na kasalukuyang iniimbestigahan, at agad na isasampa ang nararapat na kaso sa mga mapapatunayang lumabag,” ayon sa pahayag ng PNP nitong Biyernes, Mayo 9.
Nagbabala ang PNP sa mga kandidato at sa kanilang mga tagasuporta na walang sasantuhin sa vote-buying at vote-selling dahil isang seryosong paglabag ito sa election laws.
Source: Abante Tonite