Patay sa pamamaril ang isang mangingisda sa National Highway, Poblacion Buluan, Maguindanao del Sur nito lamang ika-10 ng Hunyo 2025.
Kinilala ang biktima na si alyas “Tats”, 43 anyos, residente ng Baranggay Lomoyon, Datu Paglas, Maguindanao del Sur.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang multicab kasama ang kanyang pamilya nang biglang harangin at paulit-ulit na pinaputukan ng hindi pa tukoy na suspek.
Agad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima, ngunit idineklara itong dead-on-arrival ng sumuring doktor dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Buluan PNP upang matukoy ang motibo sa likod ng krimen at pagkakakilanlan ng salarin.
Hinimok naman ng pulisya ang publiko na makipagtulungan at agad ipagbigay-alam ang anumang impormasyon na makatutulong sa ikalulutas ng kaso.