Isang makulay at makabuluhang pagdiriwang ang isinagawa sa apat na komunidad upang ipagdiwang ang unang anibersaryo ng Ecokids Project—isang programang pangkalikasan na ang layunin ay hikayatin ang mga bata na mangolekta ng plastik na basura kapalit ng mga gamit sa paaralan noong Hunyo 12, 2025 sa Mati City, Davao Oriental.
Para sa unang taon ng proyekto, naitala ang humigit kumulang 100 bata mula edad 6 hanggang 11 ang masiglang nakiisa sa proyekto.
Buong galak isinuko ang mga naipong plastik na basura at tumanggap ng school supplies na magagamit nila sa kanilang pag-aaral.
Pero higit pa sa pisikal na gantimpala, ang kanilang pagsisikap ay may mas malalim na bunga: ang pagpapalaganap ng kamalayan sa pangangalaga ng kalikasan.
Nagsimula ito sa dalawang purok lamang, ngunit dahil sa positibong tugon ng mga komunidad, mabilis itong lumago. Sa simpleng mekanismo ng plastic-for-supplies exchange, naipapasa sa mga kabataan ang mahalagang aral ng disiplina, malasakit, at kolektibong pagkilos para sa ikabubuti ng kapaligiran.
Sa tulong ng Mati City Environment and Natural Resources Office (ENRO), patuloy na pinapalawak ang sakop ng proyekto upang mas marami pang bata ang makinabang at mahubog bilang mga tagapagtaguyod ng kalikasan.

