Isang panibagong yugto ng pag-asa at pagpupunyagi ang binuksan para sa mga mangingisda ng Tagum City matapos tumanggap ng 43 bagong fiberglass fishing boats noong Hunyo 13, 2025 sa Bantay Dagat Camp, Barangay Liboganon, Tagum City, Davao del Norte.
Ang nasabing mga bangka ay kinabibilangan ng 28 motorized at 15 manual na fiberglass boats na inilaan sa mga miyembro ng mga fisherfolk associations mula sa mga coastal barangays ng Liboganon, Busaon, at Bincungan.
Layunin ng proyektong ito na tulungan ang mga mangingisda na mapatatag ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng mas matibay at modernong kagamitan sa pangingisda.
Ang programang ito ay isinakatuparan sa ilalim ng Balik Sigla sa Ilog at Dagat (BASID) na inisyatibo ni Mayor Rey T. Uy.

Ayon sa kanya, isa sa mga pangunahing layunin ng BASID ay matulungan ang mga mangingisda sa pagbangon mula sa mga hamon ng kahirapan, at bigyan sila ng kakayahan upang mas mapaunlad ang kanilang ani sa dagat.
Bukod sa pagbibigay ng bangka, binigyang-diin din ng mga opisyal ang kahalagahan ng pangangalaga sa karagatan.
Ayon sa kanila, kasabay ng pag-unlad ng kabuhayan ay dapat ding isaalang-alang ang responsableng pangingisda upang mapanatiling masagana at malinis ang ating yamang-dagat para sa susunod pang mga henerasyon.

