Tinatayang aabot ng 126 na sea turtle hatchlings ang pinakawalan sa karagatan ng Aboitiz Cleanergy Park ng Davao Light katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa Sitio Punta Dumalag, Matina Aplaya, Davao City nito lamang Enero 13, 2024.
Ang walong ektaryang ecological preserve at biodiversity conservation site ay pinamamahalaan ng Davao Light at Aboitiz Foundation, Inc. Ito ay nagsisilbing pasilidad ng Pawikan Rescue Center ng Davao City, isang collaborative na pagsisikap sa Davao City Local Government Unit at Department of Environment and Natural Resources Region XI.
Mayroon itong mangrove forest at tahanan ng 106 species ng endemic at migratory birds, at iba pang marine life.
Mula nang ilunsad ang Park noong 2014, 8,587 pawikan hatchlings mula sa 79 na pugad ang nailabas na.
Ang seremonyal na pagpapalabas ng mga hatchling ay naglalayong itaas ang kamalayan sa environmental conservation and preservation lalo na sa mga lugar na may mga nesting ground ng critically endangered hawksbill sea turtle.
Ayon sa World Wildlife Fund, humigit kumulang 1 lamang sa 1,000 sea turtle hatchlings ang nabubuhay hanggang sa pagtanda. Habang lumalaki sila, nahaharap sila sa maraming panganib tulad ng dehydration, mga mandaragit kabilang ang mga ibon at alimango, at marine plastic pollution.
Ang mga pagsisikap sa pag-iingat tulad ng pagtatanim ng puno ng bakawan, paglilinis sa baybayin, at wastong pamamahala ng basura ay mahalaga.
Sa ngayon, mayroon pang anim na pugad sa Park na may mga itlog na inaasahang mapisa sa pagitan ng Enero hanggang Marso. Ang pinakahuling clutch ng mga itlog ay inilatag noong Enero 10, 2024.