Nagtala ang Davao City Police Office ng mahigit 39.08 kilo ng iligal na droga mula Enero hanggang Disyembre para sa taong 2023.

Mula sa 1,372 anti-illegal drugs operations na isinagawa noong 2023, nakumpiska ng Davao City Police Office ang kabuoang 3.765kg ng shabu na may tinatayang street market value na P25,605,349. Mas mataas ito sa halos 2.7 kg ng shabu na nakumpiska noong 2022 na umaabot sa P18,359,152.

Nakuha rin sa mga operasyon ang 35.315 kg ng marijuana na may tinatayang street value na mahigit P4,237,855. Ang mga nakumpiskang shabu at marijuana ay may kabuuang tinatayang halaga na P29,843,204. May 1,627 ang naaresto para sa mga kaso ng droga at 2,064 na kaso ang isinampa.

Bukod dito, nasamsam din ng Davao City PNP ang 302 ilegal na baril mula sa 137 na indibidwal.

Inihayag ni Davao City Police Office Spokesperson Police Captain Hazel Tuazon na patuloy na ipatutupad ng pulisya ng lungsod ang iba’t ibang planong pangseguridad para masugpo ang aktibidad ng iligal na droga at paglaganap ng loose firearms.

Dagdag pa ni PCpt Tuazon, na mananatili ang mga inisyatiba at programa ng pulisya, ang pagiging aktibo ng Oplan RAT Tugis (Robbery/ Hold-up, Akyat Bahay and Theft), at ang kampanya laban sa ilegal na droga at kampanya laban sa loose firearms.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *