Tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang nasa 28 na magsasaka sa bayan ng Alabel Sarangani nito lamang ika-16 ng Enero 2024.
Ayon kay Alabel Mayor Vic Paul M. Salarda, MPA, layunin ng programa na matulungan ang mga magsasaka upang makabangon muli sa pinsalang dulot nang mga nagdaang bagyo, sakuna at iba pang kalamidad.
Dagdag pa ng alkalde, na sa pamamagitan ng programa ng PCIC ay tiyak na mabibigyang pansin ang mga pangangailangan ng mga magsasaka at iba pang agricultural worker sa kanilang komunidad.
Hinikayat din ng alkalde na magparehistro ang lahat ng mga agricultural worker sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) para makatanggap ng mga benepisyo mula sa PCIC.
Umabot sa Php233,175.39 ang kabuuang pondong inilaan at pimamahgi ng ahensya sa nasabing mga benepisyaryo kung saan ang pamamahagi ay pinangunahan mismo ng alkalde at mga kawani ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAG).