Tagumpay ang Local Government Unit- Alegria (LGU-Alegria) sa pagpapatupad ng Drug-Free Workplace Program sa pangunguna ni Hon. Rene G. Esma na ginanap noong Hulyo 30, 2024 sa Don Francisco Kikoy Bagul Sports Complex sa Barangay Gamuton, Surigao del Norte.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Esma ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang drug-free na lugar upang masiguro ang kaligtasan at kagalingan ng bawat isa habang nagtatrabaho.
Ayon sa kanya, ang pagkakaisa ng komunidad at ang patuloy na suporta ng bawat isa ay mahalaga upang matagumpay na maisakatuparan ang programa sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Alegria Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Captain Aireen D. Viador, Chief of Police.
Layunin ng programa na mapalawak ang kamalayan ng mga empleyado at mamamayan tungkol sa mga panganib ng paggamit ng iligal na droga at hikayatin ang aktibong pakikilahok ng komunidad sa paglaban nito. Sa patuloy na pakikipagtulungan ng LGU, PDEA, PNP, at mga mamamayan, naniniwala ang lahat na makakamit ang isang mas maliwanag na kinabukasan para sa bayan ng Alegria.