Ibinida sa dalawang araw na National Cacao Congress 2024 ang mga produkto ng cacao mula sa Cotabato na ginanap sa Waterfront Hotel, Cebu City nito lamang Hulyo 30-31, 2024.
Ayon kay Managing Consultant Amina Jeanette J. Datukan na siyang nanguna sa grupo, kasama si Marketing Specialist Charnie Ebol, kabilang sa mga tampok sa naturang congress ang booth exhibit kung saan ibinida ng Cotabato Province ang lokal nitong mga produkto gaya ng cacao beans, tablea, cacao nibs at chocolates.
Naging sentro rin ng aktibidad ang plenary sessions kung saan tinalakay dito ang mga oportunidad at isyung kinakaharap ng cacao farmers sa iba’t ibang panig ng bansa.
Napag-usapan din sa plenaryo ang patungkol sa product development, packaging, product labelling, at makabagong teknolohiya para mapataas ang produksyon ng cacao.

Labis naman ang pasasalamat nina Generose Endriga at Rosalia Oagdan sa pagkakataong ibinigay sa kanila ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, na maging kinatawan ng Cacao Council of Cotabato Province.
Ang naturang pagtitipon ay nagbigay ng oportunidad sa mga lokal na asosasyon at kooperatiba ng probinsya na maipakilala ang kanilang mga produkto sa buong Pilipinas.
