Nagbigay ng agarang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Caraga sa mga estudyante ng Caraga State University (CSU) at mga residente na nawalan ng tirahan matapos ang sunog na naganap bandang 3:00 ng madaling araw nito lamang Oktubre 19, 2024, sa Barangay Ampayon, Butuan City, Agusan del Norte.

Tinatayang nasa 129 na pamilya ang naapektuhan sa nasabing sunog.

Sa bilang na ito, 112 ay mga estudyante ng CSU, habang 17 naman ay mga residente ng lugar.

Bilang tugon, namahagi ang DSWD ng kabuuang 645 family food packs (FFPs), na ang bawat pamilya ay tumanggap ng limang pakete.

Bukod dito, nagbigay rin ang ahensya ng hygiene kits, kitchen kits, sleeping kits, family kits, at 20 modular tents na nagsilbing pansamantalang tirahan para sa mga nawalan ng bahay.

Ayon sa DSWD Field Office Caraga, nakipagtulungan din ang naturang ahensya sa City Social Welfare and Development (CSWD) ng Butuan upang matiyak ang mabilis at epektibong pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima.

Ang kooperasyon ng dalawang ahensya ay naglalayong magbigay ng komprehensibong suporta sa mga naapektuhan ng trahedya.

Patuloy namang nakatuon ang DSWD at iba pang ahensya sa pagbibigay ng pangmatagalang solusyon upang muling makabangon ang mga pamilya mula sa sunog.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *