Nakatanggap ng cash assistance sa pamamagitan ng Integrated Disaster Shelter Program (IDSAP) ang 69 na residente ng Iligan City na naapektuhan ng bagyo, sunog, at pagguho ng lupa noong 2024 nito lamang ika-20 ng Marso 2025.
Sa bilang ng mga benepisyaryo, 52 ang nakatanggap ng P30,000.00 matapos lubusang masira ang kanilang mga tahanan, habang 17 naman ang nabigyan ng P10,000.00 dahil sa bahagyang pinsala sa kanilang bahay.
Kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda ang 46 na biktima ng Typhoon Kristine, 15 na biktima ng sunog, at 8 na biktima ng landslide.
Isa sa mga benepisyaryong labis ang pasasalamat ay si Mr. Raul Tumanda, ito ay nawalan ng bahay matapos tamaan ng buhawi noong bagyong Kristine.
Ganito rin ang kwento ni Mrs. Grace Ibarra, na natumbahan ng puno ang kanyang bahay.
Ayon kay Ariel B. Abragan, Regional Director ng Department of Human Settlements and Urban Development (DSHUD), patuloy pa rin ang verification process para sa iba pang mga benepisyaryong nakatakdang makatanggap ng ayuda.
Layunin nito na palakasin ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at komunidad upang mas mapabuti ang mga serbisyong pangkaligtasan at pangkabuhayan para sa mga apektadong pamilya.
